Thursday, September 13, 2012

Isang Agos... Dalawang Magkaibang Direksyon

Mula pa pagbangon ko kaninang umaga at mapagtanto na 'di matutuloy ang imbitasyon sa'kin na magbahagi sa isang lecture para sa mga film student, kinundisyon ko na ang sarili na magsimula na muling maghalungkat ng sariling utak para makabuo ng bagong mga konseptong kailangan kong ihanda para sa trabaho ko bukas.

Dalawa na kasing sesyon nito ang lumipas at wala pa rin akong maibahaging bebenta sa aking grupo na buuin para ipasa sa naman mga boss para paaprubahan.

Naghalungkat ako ng mga lumang naitala nang mga ideya sa aking laptop na pinamagatan kong aking 'mga bungang utak'. Naghukay rin sa mga baul kong puno ng mga lumang journal.

Wala.

Wala akong makitang potensyal na mairerepaso.


At gaya na rin ng sinabi ng kaibigan kong si Nathan, kung malapit sa puso mo ang isang materyal, 'wag mo na itong i-pitch dahil mababago lang ang konsepto at mawawala na ang esensya nito na nais mong patingkarin. Mpi-frustrate ka lang. At kapag nsgamit na ang ideya, 'di mo na rin ito pag-aari. Pag-aari na ito ng kumpanyang pinagta-trabahuhan mo.

Naisip ko tuloy ang pinag-uusapan namin ng isang kaibigang taga-CAP kagabi habang binabagtas namin ang kahabaan ng C5-Katipunan (na 'di na nga pala Katipunan ang ngalan ngayon) matapos makipagbabaran sa ilang kakilalang musikero.

May isa kasing importanteng lumang pelikulang pag-aari ng isang malaking kumpanya sa Midya na gustong hingan ng clips ng grupo para sa isang mahalagang proyetong pagpaparangal sa isang yumaong National Artist na direktor sa pelikula... at ang isyu ay ang IPR o Intellectual Property Rights.

Sa isip namin pareho... anong Intellectual Property nila dun?

Haay... ito ang mundo ng mga manggagawa sa Midya. Bungang utak mo... pag-aari ng iba.


Mabalik lang muli sa isinusulat.

Ayun, sa kaiisip... napa-online tuloy ako. Tinatamad rin kasing lumabas at maghanap ng mga inspirasyon na maaaring pagkunan ng mga kwento kaya't nangalugad na lang ng bali-balita, tsismis... kutsu-kutso at conspiracy theories sa internet.

Mabuti na lang at may isang miyembro ng GBT site na aking nabuksan ang profile at may ini-post siyang link ng kanyang blogsite.

Napabasa at nalugod... nasiyahan ako't tila binabasa ang sariling mga entry nung ako ang nasa kanyang katayuan.

Ganitong-ganito ang tema ng mga isinusulat ko nung nasa ganoon rin akong gulang.

Nanariwa ang aking mga karanasan nung ako ay bagitong-bagito pa sa larangan ng sex at relasyon. Maganda siya magsulat... at least para sa akin... Dahil napaka-totoo at walang pretensyon. Mangilan-ngilan na lang ang napapansin ko kasing ganito ka-'raw' ang mga entry. Sa ilan-taon ko na ring pagsusulat ng ganito, madali ko nang maramdaman ang lebel ng sinseridad at pagpapakatotoo ng mga iba ring nagsusulat... palaging mayroong bakod kahit maliit.


Maya-maya naman ay may narinig akong chat message sa FB kung kaya't itinigil ko muna ang pag-aaliw sa sarili sa pagbabasa ng entries nung blogger.

Mula ito sa isang... well, mas bata ring naging ka-flirt minsan. Kamustahan lang at panaka-nakang flirtation nung una... nauwi rin ang 'di pagkakaunawaan sa usapang sex at love.

Gaya ng dati... at maraming iba pang nakausap... pikon ito sa pagiging 'technical' ko raw sa pananaw sa usaping 'dating, sex and affairs'. Kailangan ko raw maging mas fluid... and that i should just go with the flow.

Sa isip ko, teka... alam kong 'di n'ya maiintindihan... at matatagalan pa sa kanyang buhay bago niya ako ma-gets... pero subukan ko munang magbigay ng ilang payak na mga lesson... para na rin sa kanyang pansariling pag-unlad.

Wala na siyang idinugtong. Wala naman akong kaso ron. Gaya ng nasabi ko... expected ko na ito. 'Di ko na kailangan i-recite... alam n'ya nang kaso ito ng 'papunta ka pa lang... teh, pabalik na ako, sori ha?'

Ako rin... ayokong ginagamitan ng ganitong salita. So, dedma na.


Kaya... napabalik na lang uli ako sa pagbabasa ng entries sa blog nitong isang estranghero na pinahahanga na ako. Para tuloy gusto ko siyang mahiram minsan. hahahah

Sa totoo lang, kung sa iba... parang wala na namang iba sa kanyang mga paksa. Alam nang lahat ng mga beki at mga Bi-yot ang mga usaping ganito.

Ang mga isinusulat n'ya nga'y 'di na bago sa kaalaman ng marami... at lahat naman nga'y naranasan o nararanasan rin naman ang mga ganito.

Pero...

Ilan lang nga ba ang talagang nangangahas maging ganun katotoo gaya niya... kahit na nga maaari pa ring maitago ang sariling katauhan sa ganitong tipo ng pagsusulat?


Yun... dun ako hanga sa batang ito. Mapangahas. Walang itatago. Gago ako. Matalino ako. Semplang ako. Natututo ako. Nadadapa muli. Eh, tangna n'yo lang!

Ganun s'ya. Bukod pa riyan... marami rin siyang aksidenteng mabibigyan ng mababasang mapagkukunan ng pointers ng mga nahuhuli naman sa kanya.


Malaki ang nakikita ko sa kanya na tulad sa aking sarili. Oo... marami pa s'yang semplang na kailangang tanggaping haharapin. At sa tingin ko... alam na rin niya ito.

At sana mas mataas ang aakyatin niya sa tuwing babangon... mas solido ang tutuntungang mga baytang kaysa sa akin... at lagpasan na ang maraming mga semplang na 'di ko naiwasan nung panahong wala akong mapaghuhugutang mga aralin at opsiyon. Nawa rin ay maging progresibo ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay para 'di na maliliko nang paulit-ulit sa isang estado.


Para sa akin, ang mga ganitong maliliit na katapangan... kapangahasan ang nagiging lamang o advantage ng ilan kumpara sa maraming laging playing safe at bukambibig lagi ay 'good vibes lang, no drama' sa maraming bagay.

Sa puntong ito... sa usapin na nga ng pulitika ng sex, marami ang patuloy na lalangoy sa malapot na tubig ng lawa nang paikot-ikot samantala ang mga kumukompronta sa mga isyung dinaranas ang siyang makakaahon mula roon.


Iisa lang naman ang gustong tunguhing landas ng marami... straight man o 'bent'... pero yung kung paano mo dinidiskartehan yung byahe ang maaaring magpabagal sa'yo o magpatulin.

Minsan ang inaakalang mahirap at masalimuot na paraan... yun pang mas siguradong magdadala sa tinutungo.

Yung nagpapadala lang sa agos at hinahayaan lang na madala ng mga pangyayari ang natatagalan at napapadpad sa mga lugar na mas lalong 'di maintindihan.

Kasi... sa simula pa lang ay umaatras na sa kailiit-liitang mga kumplikasyon... iniisip na ang pag-ibig ay 'di gaya ng ibang aspeto ng buhay na kailangan pagtuunan ng seryosong pag-iisip.

Isang araw... magigising na lang silang mga lola na at olats pa rin kahit magpaka-hipon.

Mga dear... minsan mahalaga muna nating lahat maranasan yung 'drama' na sinasabi at iniiwasan natin... kasi yung mga dramaramang yun ang mag-iiwas mismo sa'yo sa mas marami pang drama na darating kung patuloy na 'di iintindihin kung ano nga ba ang drama at bakit ito nagaganap.

Engot lang talaga ang matitigas ang ulo... 'di yun ha... at laging happy happy na lang ang hanap sa iba. Laging akala na 'di mauubusan... basta ba't laging meh six-pack o gluta na pang-akit.


Tulad ng dalawang magkaibang kabataan na napagtuunan ko ng pansin... peroho silang lumalangoy para sa isang pangarap na dulo.

Ang isa ay patuloy na nagpapatianod na lang sa kabila ng mangila-ngilan na ring karanasan at mga magagamit sanang aral... nangangarap na makarating na sa mga bisig ng inaasam na mangingibig sa pamamagitan ng prinsipyong bahala na, basta in love... umaasang makamit ang isang pusong mag-aalay anumang kundisyon ang gusto niya habang wala namang handang itaya para rito.

Ang isa nama'y binibilang at tinatala ang kada-isang maliliit man o malalaking pilat sa ngalan ng pakikipagsapalaran para sa mithing pag-ibig... tinatanggap ng maluwag sa sarili ang bawat nakikilalang karakter ng sariling pagkatao... handang humarap sa sinumang mangagahas na umibig na walang itatago... yung ako ito, 'di perpekto pero bukas ng maigi ang mga mata ang isip... mas handang harapin ang marami pang kumplikasyon na kakabit ng pakikipagrelasyon... mas kaya kong ibigin ka ng rasyunal at buumpuso.





No comments:

Post a Comment